KASAYSAYAN NG PAARALANG ELEMENTARYA NG SAN RAFAEL VILLAGE
Ang nayon ng San Rafael Village ay naitatag noong Pebrero 4, 1969. Si Timoteo Aprieto, Pangulo ng San Rafael Village Homeowners Association noon ang Nahalal na unang Kapitan ng nayon at sa panunungkulan nito ay kanyang inalam ang pangangailangan ng kanyang nasasakupan. Isa sa mga ito ay ang pagkakaroon ng isang paaralang nayon.
Nagsumikap si G. Aprieto na magkaroon ng lupang mapagtatayuan ng gusali ng paaralan. Nagkusang-loob naman na nagdonasyon ang B & I Realty Company ng mahigit na 9,000 metro kuwadrado. Dahil sa masigasig na pagpupunyagi ng mga namumuno ng San Rafael Village ay naipatayo ang bahay-paaralan sa taon din iyon na may labindalawang silid-aralan. Ito ay nagkakahalaga ng 34,000.00 ( Ang 29,000.00 ay nagmula sa pamahalaang lalawigan at 5,000.00 ay mula naman sa pamahalaang bayan. Si Dr. Alfonso ang siyang humalili kay G. Aprieto at siya ang nagtaguyod upang makuha ang ibang mga kagamitan at sangkap na kinakailangan ng paaralan.
Ang kauna-unahang punong-guro ng paaralan ay si G. Augusto Cruz ( na siya ring punong-guro ng North Bay Blvd. Elementary School noon). Si G. Cruz ay naglingkod sa loob ng walong taon, mula 1971 hanggang 1979. Taong 1979-1981 nang manungkulan si G. Antonio S. Teodoro bilang punong-guro. Sa panahong iyon, ang bilang ng mga mag-aaral ay mabilis na lumaki.
Ang Parent-Teachers Association (PTA) na siyang kabalikat sa mga suliraning pampaaralan ay ngaing mabisang Karamay upang ang paaralan ay mapanatili ang kaayusan at kagandahan nito. Si G. Narciso Cabrera ang unang pangulo nito na naglingkod ng napakahabang panahon mula 1981.
Sa Kasalukuyan ang Paaralang Elementary ng San Rafael Village ay may 795 na batang mag-aaral at may 35 na guro sa pamamahala ni Gng. Jennie R. Antonio.